MANILA, Philippines – Hinimok ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang House of Representatives Tri-Committee (TriComm) na palawakin pa ang imbestigasyon sa fake news sa pamamagitan ng pagsama sa mga pro-administration social media influencer, sa halip na tutukan lamang ang mga
Diehard Duterte Supporter (DDS) vlogger.
“Kasi kung interesado talaga sila na bibigyan ng solusyon ‘yung sinasabi nilang fake news or what kung ano talaga ‘yung objective ng kanilang investigation, kung ito’y hindi panggigipit sa mga vloggers na kritikal to the administration ay dapat imbitahan nila lahat-lahat pati na ‘yung mga vloggers na favoring the administration,” sinabi ni Dela Rosa sa panayam sa radyo nitong Huwebes, Pebrero 20.
Noong Martes, matatandaan na nag-isyu ang TriComm ng subpoena sa ilang social media personalities dahil sa bigong pagdalo sa hearing sa kabila ng pagkakatanggap ng show cause orders.
Kinwestyon ng senador kung layon ba talaga ng mga pagdinig na ito na makagawa ng batas o ginagamit lamang ito para ilantad ang mga pro-Duterte vloggers na kritikal sa kasalukuyang administrasyon.
“Lahat dapat fair. Hindi lang DDS. They don’t have to single out the DDS vloggers. Lahat dapat eh imbitahan nila para magkaalaman kung talagang ito’y in aid of legislation.”
Nais din ni Dela Rosa na siguruhin ng TriComm na ang pagdinig ay “free from politics.”
Ang TriComm, na binubuo ng Committees on Public Order and Safety, Information and Communications Technology, and Public Information, ay nag-isyu ng show cause orders sa Facebook Philippines at ByteDance Philippines, local arm ng kompanyang nagmamay-ari sa TikTok.
Wala pang tugon si Rep. Ace Barbers, isa sa panel chairpersons ng TriCom sa naging pahayag ni Dela Rosa. RNT/JGC