MANILA, Philippines – Nanawagan si Partido Lakas ng Masa (PLM) senatorial candidate Leody de Guzman nitong Biyernes, Pebrero 21, na ipagbawal ang political dynasty sa bansa sa pamamagitan ng isang people’s initiative.
Kasabay ng TinigLaya Senatorial Press Conference na ginanap sa San Beda College Alabang, sinabi ni De Guzman na nahihirapang ipasa ng Senado at Kamara ang batas laban sa political dynasty ayon sa mandato ng 1987 Constitution dahil ang ilan sa mga miyembro nito ay mula sa iisang pamilya.
Dahil dito, sinabi ni De Guzman na ang people’s initiative ang angkop na paraan para rito.
“Pagka diyan pa natin iasa sa Kongreso at Senado ang pagkakaroon ng batas para ipagbawal ang political dynasty, hindi na mangyayari. Kaya ang kinakailangan ay ‘yong isang paraan ng paggawa ng batas [sa pamamagitan ng] people’s initiative. ‘Yon ang kailangan isulong, na makapirma tayo ng 3% ng voting population ng buong bansa… para magkaroon ng sariling batas na hindi dadaan sa Kongreso at Senado pagbabawal sa political dynasty,” aniya.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, ang anumang amendment o revision na ipapanukala sa pamamagitan ng people’s initiative sa petisyon ng nasa 12% ng kabuuang bilang ng registered voters, at ang bawat legislative district ay dapat irepresenta ng nasa 3% naman ng registered voters sa lugar. RNT/JGC