Home NATIONWIDE Housing amortization sa Kristine victims, magbabalik sa Disyembre 1 – NHA

Housing amortization sa Kristine victims, magbabalik sa Disyembre 1 – NHA

MANILA, Philippines – Magpapatuloy na sa Disyembre 1 ang pagbabayad ng amortization ng mga biktima ng bagyong Kristine.

Matatandaan na itinaas ang moratorium sa housing amortization para sa mga miyembrong naapektuhan ng Severe Tropical Storm Kristine para sa buong Nobyembre upang maibsan ang kanilang hirap sa pananalapi matapos ang matinding epekto ng bagyo.

“Ang moratorium ay automatikong ipapatupad para sa mga benepisyaryo sa buong bansa mula November 1 hanggang November 30 ngayong taon. Magsisimula muli ang pagbabayad ng amortization and lease payments sa December 1, 2024 na po,” sinabi ni Cromwell Teves, NHA NCR South Sector Office Corporate Planning Department manager sa panayam.

Idinagdag pa ng NHA official na walang delinquency o karagdagang interes sa moratorium period.

“So kung anumang penalties at interest na naipon bago ang November 1 ay muling magsisimula lamang sa December 1, 2024,” dagdag ni Teves.

Kamakailan ay inatasan ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) ang NHA at iba pang key shelter agencies na ihinto muna ang housing moratorium sa lahat ng apektadong mga miyembro ng pananalasa ng bagyong Kristine.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, mayroong 211,792 tirahan ang napinsala na nagkakahalaga ng P3.4 milyon sa pananalasa ng bagyo. RNT/JGC