MANILA, Philippines — Umani ng papuri mula kay Central Singapore District Mayor Denise Phua ang in-city vertical housing program ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na nagbibigay ng abot-kayang tirahan sa mga pamilyang nangangailangan.
“That’s very visionary,” pahayag ni Phua nang makipagpulong kay Domagoso nitong Martes, Nobyembre 17, bago ang ASEAN Governors and Mayors Forum (AGMF).
Ayon kay Phua, kapansin-pansin ang paraan ng pagpapatupad ng Maynila sa mga proyektong pabahay na hindi lamang tumutugon sa pangangailangan ng mga residente kundi nagdaragdag din sa ari-arian ng pamahalaang lungsod.
Pinuri rin niya ang Minimum Basic Needs agenda ng alkalde na nakatuon sa pabahay, edukasyon, kalusugan at trabaho.
Ipinaliwanag naman ni Domagoso na nag-ugat sa kanyang karanasan noong kabataan ang konsepto ng mga housing project gaya ng Tondominium.
Aniya, noong naninirahan pa siya sa isang informal settler community, pabirong tinatawag na condominium ang magkakapatong na barung-barong.
Ginawa umano niyang inspirasyon ang karanasang ito upang makapagtayo ng disenteng pabahay para sa mga pamilyang kapos sa buhay.
Sa ilalim ng programa, nasa ₱2,000 hanggang ₱3,000 ang buwanang bayad ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Nananatiling pag-aari ng pamahalaang lungsod ang mga housing unit upang maiwasan ang pagbebenta o komersiyalisasyon ng mga ito, habang may mga probisyon para sa pagpapatuloy ng paninirahan ng mga kwalipikadong kapamilya.
Ikinumpara naman ni Phua ang sistema sa Singapore, kung saan maaaring muling ibenta ang ilang public housing units, na aniya ay nagdudulot din ng mga hamon sa abot-kayang pabahay.
Dahil dito, sinabi niyang may mga aral na maaaring makuha ang Singapore sa estratehiya ng Maynila.
Nakatakda ring magsagawa ng technical visit ang delegasyon ng Singapore sa mga housing project ng pamahalaang lungsod upang personal na makita ang pagpapatupad ng programa.