MANILA, Philippines – Pinalagan ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) ang ginawang paghuhukay umano ng mga awtoridad sa basement ng Jose Maria College (JMC) Building sa loob ng compound sa Davao City.
Sinabi ng legal counsel ng KOJC na si Atty. Israelito Torreon na nakatanggap siya ng isang larawan na nagpapakita ng mga pulis na naghuhukay ng tunnel sa basement ng JMC Building.
Umabot na umano sa walong metro ang lalim ng umano’y paghuhukay at sinabi ni Torreon na maaaring makaapekto sa katatagan ng gusali.
Mabilis namang itinanggi ng Police Regional Office-Davao (PRO-11) ang alegasyon.
“Yan sa digging na yan, allegation ni Atty. Torreon yan. Hayaang patunayan niya,” ani PRO-11 Director, Brigadier General Nicolas Torre III.
Nanawagan si Torreon kay Philippine National Police chief General Rommel Marbil na payagan silang makapasok sa basement para kumpirmahin ang paghuhukay.
Kinuwestiyon din niya kung sakop pa rin ba ang dapat na paghuhukay sa serbisyo ng arrest warrant laban sa pinuno ng KOJC na si Pastor Apollo Quiboloy, at kung may “makatwirang paniniwala” ang pulisya na siya ay nasa compound.
Labing-isang araw na ang nasabing operasyon pero hindi pa nahahanap ng pulisya si Quiboloy at iba pang akusado sa umano’y kasong trafficking.
Patuloy na naniniwala ang pulisya na nasa compound si Quiboloy.
“Hanggang ngayon, naniniwala kaming nandyan siya… tinatawanan kami… sige lang, there is always time for everything at darating ‘yan… sabi ko nga, mahuhuli rin natin yan,” giit ni Torre. RNT