MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Martes na hahanapin nito ang mga recruitment agencies na nangangailangan ng “processing fees” o anumang uri ng bayad sa serbisyo mula sa mga Pilipinong nagnanais na magtrabaho sa Qatar.
Sa Kapihan sa Bagong Pilipinas forum, inulit ni DMW Secretary Hans Cacdac ang mga “no placement fee policy” para sa mga manggagawang Pilipino na nakatakdang i-deploy sa Qatar na alinsunod sa Article 33 ng Qatar Law No. 14 ng 2004.
Ipinagbabawal ng Qatar Law ang mga lisensyadong recruitment agencies na mangolekta ng bayad para sa recruitment fee, gastusin, o iba pang nauugnay na gastos mula sa mga manggagawang galing sa ibang bansa.
Ang pahayag ni Cacdac ay matapos banggitin sa Kapihan na ilang recruitment agencies ang gumagamit ng terminong “processing fee” para nangolekta mula sa mga manggagawang Pilipino sa halip na “placement fee.”
Sinabi ni Cacdac na anuman ang salitang ginagamit, ang gawain ay itinuturing na “illegal”.
“Kung ang tawag diyan ay processing fee, kahit ano pang tawag diyan, pero ang purpose ay para bayaran ang agency sa kaniyang serbisyo o kita ng isang agency do’n sa pagbigay niya ng serbisyo, ‘yan ay bawal kasi ang patakaran on both sides is employer-based principle, which means dapat sinisingil yan do’n sa employer na makikinabang sa serbisyo ng OFW,” sabi ng Migrant chief.
“So whatever the name of the fee is called, if it is along those same lines or purpose, then that’s illegal, and we will run after the agency that does so, that charges those fees,” dagdag pa ni Cacdac.
Sinabi ng DMW na ang mga lalabag sa patakaran sa “no placement fee” ay mahaharap sa parusa ng pagkansela ng lisensya. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)