MANILA, Philippines – Hiniling ng mga petitioner sa Korte Suprema na tanggalin ang unprogrammed appropriations bilang hakbang para labanan ang umano’y manipulasyon ng budget items sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA).
“Tanggalin po ang kabuuan ng unprogrammed appropriations sapagkat ito po ang nagiging lipatan o nagbibigay ng puwang upang ma-manipula ang mga items at mga uri ng budget items sa ating GAA,” sinabi ni Vaupetroanji Peña, counsel para sa petitioner na si Caloocan 2nd Dist. Rep. Edgar Erice.
Ang pahayag ni Peña ay kasabay ng interpelasyon ni Associate Justice Samuel Gaerlan sa oral arguments sa legalidad ng unprogrammed appropriations para sa 2024, 2025, at 2026 national budgets.
Kabilang din sa consolidated petitions ang mga kasong inihain nina dating Albay 1st Dist. Rep. Edcel Lagman, dating Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, at Filipinos for Peace, Justice and Progress Movement Inc., at ang Kongreso, Office of the Executive Secretary, at Kamara bilang respondents.
Ayon kay Peña, kailangang tukuyin kung ano ang programmed at unprogrammed funds at sinabing ang lahat ng budget items ay nagmula sa rekomendasyon ng mga Gabinete ng Pangulo.
“Hindi na po natin kailangang magkategorya kung ano man ang ilalagay natin sa programmed o unprogrammed dahil ang pagtingin po namin dito ay kung ano man ang sabihin ng pangulo na mula sa pag-aaral ng kanyang gabinete, ito ay mahalaga at may pantay-pantay na kahalagahan at makapagbibigay ng tulong upang iangat ang buhay ng ating mga kababayan,” sinabi ni Peña.
Idinagdag pa niya na ang pag-iingat sa national budget ay nangangailangan ng pagsunod sa budget ceiling at ang karagdagang funding ay idinadaan sa pamamagitan ng special appropriations.
Samantala, sinabi naman ni Solicitor General Darlene Berberabe na ang mga pagtaas sa UA allocations ay mas nakikita sa panahon o matapos ang krisis.
“Ang isa pong paliwanag sa amin ng mga ekonomista at technical expert ay ito lalong naging evident pagkatapos ng krisis, kagaya noong huling bahagi po ng termino ni Presidente Duterte at noong 2022–2028, in-adopt po ng Ehekutibo ang medium-term fiscal framework na in-adopt din naman po ng Joint Congress,” aniya.
“’Yun ang ginamit na balangkas sa budget na ipinapasa po ng Kongreso,” dagdag ni Berberabe.
Ang susunod na oral arguments ay itinakda sa Hunyo 16. RNT/JGC