MANILA, Philippines – Nagpasalamat sa Indonesia at National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang mambabatas sa pangunguna ni Senate President Francis “Chiz” Escudero sa pagkadakip ni Alice Guo sa Tangerang City, Jakarta dakong 1:30 ng umaga kanina.
Sa magkakahiwalay na pahayag, sinabi ni Escudero kasama sina Senador Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian na ihaharap si Alice Guo sa Senado at pakakantahin kung sino ang kasabwat nito sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Organization (POGO).
“I hail the arrest of Alice Guo in Indonesia. She can now be brought to justice and, hopefully, also shed light on illegal POGO operations in the country,” ayon kay Escudero.
Bukod sa pagpapasalamat sa Indonesian law enforcement agencies na nakadakip kay Guo, pinuri din ni Escudero ang National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang lokal na pulisya sa pagkadakip kay Guo
“I likewise thank and congratulate Philippine and Indonesian law enforcement authorities for successfully effecting her arrest,” ayon kay Escudero.
Kasalukuyang nasa kustodiya si Alice Guo ng Indonesian Police sa Jatanras Mabes Point na mismong kinumpirma din ni Hontiveros base sa opisyal na impormasyon mula sa gobyerno ng naturang bansa.
“Kumpirmado — arestado na si Alice Guo. I have independently confirmed this with my Indonesian sources as well,” ayon naman kay Hontiveros.
“Ako po ay nagpapasalamat sa lahat ng gumawa ng paraan para siya maaresto. Terima Kasih to our friends in Indonesia” aniya.
Inaasahan na haharap si Alice Guo, o Guo Hua Ping sa tunay at Chinese name nito, sa Senado sa lalong madaling panahon upang tumestigo at ituro ang lahat ng kanyang kasabwat sa illegal POGO operations, ayon kay Hontiveros.
“ We appreciate the commitment of the NBI to turn her over to the senate after she is processed. At kung sino man ang tumulong sa kanyang pag takas, di namin kayo tatantanan,” giit ni Hontiveros.
Nagpasalamat din si Gatchalian sa Indonesian authorities at sa NBI sa mabilis na pagkilos sa pagdakip kay Guo Hua Ping (aka Alice Guo) at kasama.
“Dahil nahuli na siya, dapat managot siya sa mga kasong isinampa laban sa kanya kagaya ng human trafficking, money laundering, quo warranto, paglabag sa utos ng Senado at iba pa,” ayon kay Gatchalian.
“Importante na siya mismo ang managot dito sa ating bansa,” dagdag ng senador.
Ayon kay Gatchalian na dadalhin sa Senado si Alice Guo pagkatapos sumailalim sa proseso ng NBI at BI dahil tanging ang Mataas na Kapulunganang may outstanding arrest order laban sa kanya.
“Dapat din niyang sabihin kung sino sino ang kanyang mga kasama sa mga criminal activities niya sa Bamban at sino sino ang mga tumutulong sa kanya na na sa gobyerno,” giit ng mambabatas.
“Gusto namin ng eksaktong mga pangalan para masampahan din ng kaso ang mga iyon,” dagdag ni Gatchalian. Ernie Reyes