Home NATIONWIDE Walang maling paggamit ng OVP confi funds- VP Sara

Walang maling paggamit ng OVP confi funds- VP Sara

PINANINDIGAN ni Vice President Sara Duterte na walang maling paggamit sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong 2022.

Sinabi ito ni VP Sara bilang tugon sa inihayag ni House Deputy Minority Leader France Castro, araw ng Biyernes na ang kabiguan ng una na sumunod sa rules para sa 2022’s P73 million confidential funds ay ‘ground for impeachment.’

“There was no misuse of any funds. There is, however, [an] unending political attack by the Makabayan-Romualdez-Marcos alliance to mask the real problem of the country right now,” ang sinabi ni VP Sara sa isang panayam.

“This is the sad plight of the poor and the hungry because of the unabated rise of food prices. Ordinary citizens’ principles are not for sale, ayuda will not solve the growing dissent. It is a classic ‘wag the dog’ piece,” aniya pa rin.

Giit pa ni VP Sara sa kanyang mga kritiko na “Dapat magtrabaho muna bago pulitika.”

Nauna rito, nagpalabas ang Commission on Audit (COA) ng Notice of Disallowance hinggil sa P73 million mula sa P125 million confidential funds ng Office of the Vice President, sa ilalim ni VP Sara, nagasta sa loob lamang ng 11 araw.

Ipinaliwanag ni COA Assistant Commissioner Alexander Julian sa isinagawang deliberasyon ng P2 billion budget proposal ng OVP para sa taong 2025 na ang Notice of Disallowance ay nangangahulugan na ang Expenditure o paggasta ay “either irregular, unnecessary, excessive, extravagant, or unconscionable.”

Sinabi ng mambabatas na nilabag ni VP Sara ang batas at makikita rin sa natuklasan ng COA ang “a clear betrayal of public trust.”

“COA’s findings reveal a glaring misuse of public funds. It is becoming apparent that Duterte was banking on the supposed veil of secrecy around Confidential Funds to hide her unlawful use of people’s money,” ayon kay Castro.

“Hindi naman pwedeng gagawa ng kalokohan tapos pababayaan na lang, dapat may accountability. Her misuse of confidential funds is an impeachable offense. Sa paglulustay ng confidential funds, sa panahong kulang na kulang ang pondo para sa serbisyong publiko, at sa pagtangging ipaliwanag ito sa taumbayan, malinaw na may batayan ang impeachment,” aniya pa rin.

Samantala, mismong si VP Sara ang kumumpirma na may nilulutong impeachment complaint laban sa kanya sa House of Representatives (HOR).

Aniya, mayroon pa naman silang mga kaibigan sa Kamara na nagpaparating sa kanila ng balita.

Ginawa ni VP Sara ang pahayag matapos dumalo sa budget hearing ng panukalang 2025 budget ng Office of the Vice President (OVP).

Sinabi rin ni VP Sara na hinihintay lamang nila ang susunod na gagawin ng mga gustong magpabagsak sa kanilang pamilya.

“Basta kami inaantay lang namin ang kanilang gagawin dahil expected na ‘yun na gagawin nila dahil gusto nilang pabagsakin ang pamilya Duterte sa pulitika. Hindi lang sa pulitika, sa personal dahil sinama nila asawa ko sa harassment nila,” anang bise presidente.

Ang nilulutong impeachment laban sa kaniya ay bahagi lamang ng “playbook” laban sa kanilang pamilya.

Ayon pa kay VP Sara, ang ginagawa sa kaniyang pamilya ay bahagi ng isinusulong na Charter Change kung saan nais umano ng mga nakaupo ngayon na huwag nang umalis sa puwesto. Kris Jose