NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa local government units (LGUs) na ayusin at paigtingin ang waste management efforts, sa oras na lumabas na ang Severe Tropical Storm “Enteng” sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ngayong araw ng Miyerkules.
“I call on our local government units to act swiftly in addressing the waste management issues left in the wake of the typhoon,”ang sinabi ni Pangulong Marcos sa kanyang post sa X (dating Twitter).
Nauna rito, napuna ni Pangulong Marcos ang hindi tamang pagtatapon ng basura dahilan ng malawak na pagbaha sa panahon ng pananalasa ng southwest monsoon at Typhoon Carina noong nakaraang buwan.
Dahil dito, hinikayat niya ang publiko na manatiling ligtas at sundin ang mga lokal na awtoridad na nangunguna sa pagtugon sa pananalasa ni Enteng.
“Let us adhere to the local authorities’ guidelines and take all necessary steps to ensure everyone’s safety,” ayon kay Pangulong Marcos.
Habang inatasan naman ng Chief Executive ang LGUs na pangunahan ang disaster response efforts, tiniyak naman ni Pangulong Marcos sa publiko ang kahandaan ng national government para mapagaan ang epekto ng bagyo.
Sinabi pa niya na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) nasa ground ay nagsimula na ng clearing operations sa mga apektadong national roads, idagdag pa na mahigit sa 1,700 equipment ang naka-prepositioned upang masiguro na ang lansangan ay nadadaanan “as quickly as possible”.
Tinuran pa ni Pangulong Marcos na pinangungunahan din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng mahigit sa P16 milyong halaga ng tulong sa mga biktima ng bagyo.
Mayroon din aniyang P65.56 million na standby funds at P2.6 bilyong halaga ng food at non-food items.
Winika pa ng Pangulo na patuloy na tumutulong ang rescue teams sa mga labis na naapektuhan ng bagyo, sinasabing mahigit sa 63,000 indibiduwal ang dinala sa 452 evacuation centers.
Ayon pa sa Pangulo, naglaan ang gobyerno ng P480.61 milyong halaga ng health logistics para tiyakin ang agarang paghahatid ng medical services sa typhoon-hit areas.
Sinabi pa nito na ang power restoration efforts ay nagpapatuloy, ang emergency communications equipment at mahigit sa 2,000 search, rescue, at retrieval assets ay available, kung kinakailangan.
“As Tropical Storm Enteng continues to affect several regions, I assure you that the government is fully mobilized to manage the situation,” ayon kay Pangulong Marcos. Kris Jose