MANILA, Philippines – Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) ang 30 araw na pagpapalawig ng price cap na ₱50 kada kilo para sa 5% broken imported rice.
Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Willie Ann Angsiy, tatalakayin ng National Price Coordinating Council (NPCC) ang mungkahi sa kanilang pagpupulong sa Huwebes.
“We do not want to preempt any decision that will be made by the President, but so far the DA is recommending the extension of the price cap… 30 days po ulit,” ani Angsiy.
Layunin ng rekomendasyon na mapanatili ang makatwirang presyo ng bigas at mabigyan ng “fighting chance” ang lokal na produksyon ng bigas.
Sa kasalukuyan, ang premium imported rice sa Metro Manila ay nagkakahalaga ng ₱50 kada kilo. Ang imported well-milled rice naman ay nasa ₱46 hanggang ₱62 kada kilo, habang ang imported regular-milled rice ay nasa ₱45 hanggang ₱48 kada kilo.
Samantala, ang lokal na premium rice ay naglalaro sa ₱48 hanggang ₱62 kada kilo, habang ang lokal na well-milled at regular-milled rice ay nasa ₱50 at ₱45 kada kilo.
Nais din ng DA na ipagpatuloy ang pansamantalang regulasyon sa presyo ng imported rice upang makatulong sa pagkontrol ng mga inaangkat na bigas.
Tungkol naman sa mga retailer na posibleng lumabag sa price cap, sinabi ni Angsiy na 13 sa 36 na nabigyan ng Notice of Violation (NOV) ang nakapagsumite na ng kanilang paliwanag.
Ayon sa DA, umabot na sa mahigit 80 porsiyento ang compliance rate ng mga rice retailer sa Metro Manila, mas mataas kumpara sa naunang 70 porsiyento. Gayunman, aminado ang ahensya na nahihirapan pa rin itong makakuha ng kumpletong datos mula sa malalayong lugar sa bansa. RNT/MND