MANILA, Philippines – Ibinasura ng Office of the Ombudsman ang mga reklamong plunder, graft, technical malversation, at grave misconduct laban kay Executive Secretary at dating Finance Secretary Ralph Recto at dating PhilHealth President at CEO Emmanuel Rufino Ledesma Jr.
Kaugnay ang mga reklamo sa paglilipat ng ₱60 bilyong pondo ng PhilHealth sa National Treasury sa ilalim ng probisyon ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Sa 40-pahinang Consolidated Resolution na may petsang Hunyo 2, sinabi ng Ombudsman na walang sapat na ebidensya upang mapanagot sina Recto at Ledesma sa mga isinampang kaso.
Ayon sa Ombudsman, ang paglilipat ng pondo ay pinahintulutan ng 2024 GAA at hindi napatunayang may “corrupt intent, dishonest design and unethical interest” ang mga opisyal.
Tungkol sa reklamong plunder, ipinaliwanag ng Ombudsman na hindi natugunan ang mahalagang elemento ng krimen—ang pag-iipon o pagkuha ng ill-gotten wealth na hindi bababa sa ₱50 milyon.
“The gravamen of the offense of plunder is the amassing, accumulation or acquisition of ill-gotten wealth amounting to at least ₱50 million… Without this core element, there can be no plunder,” ayon sa resolusyon.
Binanggit din ng Ombudsman na iniutos ni Recto ang pagbabalik ng ₱60 bilyon sa PhilHealth matapos ideklara ng Korte Suprema noong 2025 na labag sa Konstitusyon ang probisyon ng batas na nagpapahintulot sa paglilipat ng pondo.
“The return of the P60 billion to PhilHealth militates against the allegation that respondents took advantage of their positions for ‘personal enrichment,’” ayon pa sa resolusyon.
Ibinasura rin ang reklamong administratibo dahil walang nakitang ebidensya ng korapsyon, malinaw na paglabag sa batas, o matinding kapabayaan sa tungkulin.
Dagdag ng Ombudsman, sa kawalan ng ebidensyang taliwas dito, mananaig ang presumption na ginampanan ng mga respondent ang kanilang mga tungkulin nang naaayon sa batas. RNT/MND