MANILA, Philippines- Tuluyang ibinasura ng Sandiganbayan ang natitirang anim na ill-gotten wealth cases nina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., dating First Lady Imelda at ang business tycoon na si Eduardo Cojuangco Jr. kaugnay sa maling paggamit ng kontrobersyal na coconut levy funds.
Sa 42-pahinang resolusyon ng Sandiganbayan Second Division, ibinasura ang mga Civil Case numbers 0033-B, 0033-C, 0033-D, 0033-E, 0033-G at 0033-H laban sa mga Marcos at Cojuangco dahil sa mahabang pagkakabalam (37 taon) ng prosekusyon para simulan ang pagprisinta ng ebidensya at mga testigo.
Sinabi ng anti-graft court na ilang dekada na ang dumaan at maraming pagkakataon ang prosekusyon upang simulan nito ang initial presentation ng mga ebidensya bgunit hindi nito nagawa.
Pinuna rin ng korte ang kabiguan ng prosekusyon na dumating nang handa at madalas humihiling na maipagpaliban ang pagdinig.
Dahil sa pinakahuling ruling ng Sandiganbayan, wala na ang lahat ng civil cases na isinampa ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) laban sa mga Marcos para marekober sana ang mga yaman nito na ilegal umanong nakuha sa pamamagitan ng coco levy fund.
Nito lamang Disyembre 6 ay ibinasura rin ng 2nd division ng Sandiganbayan ang dalawang civil cases na may kaugnayan sa pagbili ng First United Bank (FUB) na ngayon ay United Coconut Planters Bank (UCPB) at ang pagbili sa San Miguel Corp. (SMC) shares. Teresa Tavares