Home OPINION MILAGRO, DAGDAG-BAWAS, HATIAN SA PONDO SA BICAM

MILAGRO, DAGDAG-BAWAS, HATIAN SA PONDO SA BICAM

BICAM ang tawag sa Bicameral Conference Committee na binubuo ng mga kongresman at senador upang maplantsa ang mga gusot sa panukalang taunang badyet ng pambansang pamahalaan ng Pilipinas.

May gusot kung may hindi pagkakatugma sa mga bersyon ng mga kongresman at senador sa kanilang mga panukala at kabilang dito ang mga dagdag-bawas, zero budget, biglaang paglitaw ng panukala at hatian sa pondo.

Halimbawa ng dagdag-bawas sa computerization program sa iskul na isinusulong mismo ni Pangulong Bongbong Marcos.

Dahil binura o binawasan ito, nanganganib ang Science, Technology, Engineering and Mathematics o STEM program mismo ng Pangulo na inaasahan niyang magpapaunlad sa talino at kakayahan ng mga estudyanteng kabataan.

Natataranta tuloy ang Pangulo kung paano nito maibalik o maidagdag ang P10 bilyong sinibak.

Nilunod naman ang P74.4B badyet ng PhilHealth sa rasong may P500-P600B reserbang pondo ito at may nangangatwiran na kaya nitong magprograma sa loob ng dalawang taong walang manggagaling sa pamahalaan.

Pero nagtatalo-talo ngayon mismo ng mga mambabatas, lalo na ang mga senador na pumirma o hindi pumirma sa pinal na kopya ng pambansang badyet.

Isa namang mamilagrong panukala ang P13 bilyong Ayuda sa Kapos Ang Kita o AKAP noong 2023 para 2024 badyet nang biglang lumitaw ito sa Bicam at hindi man lang napag-usapan sa mga talakayan, pero hindi nakapalag ang mga senador.

Kamakailan lang, sinibak ni Senador Manang Imee Marcos ang panukalang P39B para sa 2025 ngunit naibalik ang P26B.

Ngayon, lumutang na pinartihan ang mga senador sa bawas na sa P26B AKAP at sinabing oks na ang nakararaming senador dito dahil hindi na ito sinolo ng mga kongresman.

Magpa-Pasko na nga pala at araw ng mga milagro, pati ang pambansang badyet.

Sino-sino kaya ang higit na makikinabang sa mga milagro sa pambansang badyet sa 2025: Ang mga kongresman at senador o ang mga mamamayan?