ECHAGUE Isabela – Tatlo ang patay at dalawa ang sugatan sa mga aksidente sa motorsiklo sa lalawigang ito nitong Miyerkules.
Sinabi ng pulisya na aksidenteng bumangga ang motorsiklong minamaneho ni Josefino Marcelo Jr., 20, kasama ang mga back riders na sina Diether Marcelo, 18, at Junjun, 17, sa nakaparadang trak sa Barangay Maligaya, Echague.
Dinala ang mga biktima sa isang ospital kung saan idineklarang patay sina Josefino at Diether.
Sinabi ni Police Major Mervin delos Santos, Echague chief of police, na lasing umano ang mga biktima.
Samantala, nasawi ang isang tricycle driver na si Jun Baddungon, 42, ng Barangay Turod, Reina Mercedes, Isabela at sugatan ang pasahero nitong si Marcelo Baddungon, 44, residente rin ng Barangay Turod nang aksidenteng bumangga ang kanilang tricycle sa isang trailer truck sa Barangay San Fermin dito.
Sinabi ng pulisya na nag-overtake umano ang tricycle sa isang sasakyan sa kabilang linya at hindi napansin ang kasalubong na trailer truck.
Nagtamo ng mga sugat ang mga biktima at dinala sa ospital kung saan idineklarang patay si Jun.
Nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang driver ng trak.
Nagsasagawa ng follow-up investigation ang pulisya sa dalawang aksidente. RNT