MANILA, Philippines – Tinapos na ng Department of Justice ang preliminary investigation sa reklamong Qualified Human Trafficking laban kay suspended Bamban Mayor Alice Guo at sa labing isang indibidual na kasapat umano.
Sinabi ni DOJ spokesperson Atty Mico Clavano na submitted for resolution na ang kaso at maaring mailabas ang desisyun matapos ang 30 araw.
Nagpasya aniya ang panel of prosecutors na hindi na bigyan ng pagkakataon sina Guo at tatlong iba pang chinese incorporators na magsumite ng kanilang counter-affidavit.
Ito na ang ikatlong pagkakataon na hindi sumipot sa imbestigasyon ng DOJ si Guo.
Samantala, pinagbigyan ng DOJ ang tatlong iba pang respondent na magsumite ng kanilang kontra salaysay.
Sinabi ni Clavano na inatasan ng panel of prosecutors ang mga respondent na sina Dennis Cunanan, Baoying Lin at Maybelin Millo na magsumite ng affidavit sa loob ng sampung araw.
Inatasan ang mga ito na humarap sa pagdinig sa ika-16 ng Agosto.
SI Guo ay sinampahan ng reklamo ng PAOCC at PNP-CIDG kaugnay sa sinalakay na operasyon ng POGO sa kanyang nasasakupan kung saan 800 pilipino na mangagawa ang nailigtas. Teresa Tavares