MANILA, Philippines- Inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang indibidwal sa pagsalakay sa isang videoke bar na umano’y nagpapatakbo ng prostitution den sa Alaminos City sa Pangasinan.
Ang mga naaresto noong Disyembre 12 at nakatakdang sampahan ng kaso sa tanggapan ng piskalya ay kinilala ng NBI na sina Rochelle Cortez, Edmund Lanayog Corpuz, Ramones Jervy Mendoza, Bonifacio Esta, at Jester Cruz Sison.
Sinabi ng NBI na “nagresulta rin ang operasyon sa pagsagip sa sampung (10) trafficked victims, pito sa kanila ang nabunyag na menor-de-edad base sa isinagawang Dental Aging Examination sa kanila.”
Itinurn-over na sa Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa Lingayen ang mga biktima para sa counseling at social protection.
Arestado ang limang hinihinalang operator ng prostitution den sa Shayawayne Videoke Bar sa isinagawang entrapment operation ng NBI Alaminos District Office (NBI-ALDO).
Sinabi nito na ang entrapment operation ay isinagawa matapos “makatanggap ng impormasyon ang NBI-ALDO mula sa isang non-government organization na ang Shayawayne Videoke Bar ay sangkot sa prostitusyon ng mga kababaihan, kabilang ang mga menor-de-edad.”
Sasampahan ng mga paglabag sa Republic Act (RA) 9208, ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, ang mga naaresto. Jocelyn Tabangcura-Domenden