Home NATIONWIDE Hurisdiksyon ng ICC sa kaso ni Digong ipinaliwanag ng ex-spox ni Robredo

Hurisdiksyon ng ICC sa kaso ni Digong ipinaliwanag ng ex-spox ni Robredo

PINANINDIGAN ni Atty. Barry Gutierrez, dating tagapagsalita ng Office of the Vice President (OVP) at isang criminal law professor sa University of the Philippines, na may hurisdiksyon ang International Criminal Court (ICC) sa crimes against humanity na isinampa laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Taliwas ito sa sinasabi ng mga taga-suporta ni Duterte na walang hurisdiksyon ang ICC sa nasabing kaso na nag-ugat sa madugong war on drugs ng administrasyong Duterte dahil sa pag-alis ng Pilipinas mula sa Rome Statute noong 2019.

“So dahil nga ‘yung mga akusasyon laban kay dating pangulong Duterte ay supposedly nangyari mula 2011 hanggang 2019, ‘yung iba habang siya ay mayor ng Davao City, ‘yung iba habang siya ay nahalal na na pangulo ng ating bansa, ayon mismo sa treaty pasok ‘yan sa jurisdiction ng ICC,” ang paliwanag ni Gutierrez.

“Ang sabi ng Supreme Court, kahit hindi na namin pwedeng bawiin ‘yung desisyon ni Pangulong Duterte na umalis sa ICC, dinedeklara namin na ‘yung mga nangyaring krimen habang tayo ay miyembro ng ICC, pwede pa ring isampa pa sa harapan ng international tribunal. Hindi na ICC ‘yan, hindi na treaty na panlabas, mismong ang Supreme Court nating kinilala ‘yan,” aniya pa rin.

Iginiit ni Gutierrez ang Seksyon 17 ng Republic Act 9851, oInternational Humanitarian Law, pinahihintulutan ang pamahalaan na isuko ang suspek sa isang international tribunal para sa kasong crimes against humanity.

Ang umiiral na batas na ito at desisyon ang nagpalakas sa kapangyarihan at hurisdiksyon ng ICC sa kaso ng dating Pangulo.

Kinatigan din ni Gutierrez ang desisyon ng pamahalaan na makipagtulungan sa International Criminal Police Organization (Interpol) sa pag-aresto kay Duterte noong nakaraang Marso 11.

“Tama, kasi hindi na nga tayo member ng ICC ngayon, pero dahil ‘yung request para i-enforce ‘yung arrest warrant ng ICC ay dinaan through Interpol, ang sinasabi ng administration e syempre member tayo ng Interpol eh,” ang paliwanag ni Gutierrez. Kris Jose