Home OPINION ‘HUSTISYA IBIBIGAY NG OMBUDSMAN

‘HUSTISYA IBIBIGAY NG OMBUDSMAN

123
0

MARAMI ang nagulat—at marami rin ang natuwa– sa deklarasyon nitong Lunes ni Ombudsman Jesus Crispin ‘My Bossman’ Remulla, na inihahanda na ng kanyang tanggapan ang kasong “pandarambong” (plunder) laban kay ex-House Speaker Ferdinand Martin ‘Tambololoy’ Romualdez at ex-Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero.

Aniya, inaasahang maisasampa ang reklamo bago matapos ang susunod na buwan ng Mayo, patungkol sa sentrong papel ni Romualdez at Escudero sa iskandalo ng multi-trilyong ‘flood control project scam’ kung saan may nakita umano ang OMB na “sabwatan” (‘conspiracy’) upang “dekwatin” ang pondo ng bayan.

Nasabi nating “marami ang nagulat” dahil hindi naman kaila na marami ang “TH” (tamang hinala) sa pagkatalaga ni Pangulong Bongbong Marcos kay “Bossman” sa Ombudsman.

Kasama naman tayo sa hanay ng mga “natuwa” dahil sa lahat ng mga opisyal sa gobyerno, at sa ano mang panahon at sitwasyon, si Remulla lang ang alam natin na gagawin at paninindigan ang sinabi niya. ‘He always walks the talk,’ wika nga.

Bagaman hindi na kami nagkikita, hindi pa rin naaalis sa atin ang “bilib” sa kakayahan, tapang at paninindigan ni Remulla, na nakita natin sa mahabang panahon na personal nating nakasama siya.

Bagaman nga rin “utang na loob” niya kay BBM ang bago niyang puwesto, nagtapos ang “control” sa kanya ng Palasyo ng pormal na siyang manungkulan bilang Ombudsman. Tandaan natin na ang OMB ay isang ‘Constitutional Office’ at ang mandato nito ay hindi kung ano ang “kapritso” ng Palasyo, bagkus, kung ano ang utos dito ng ating Saligang Batas.

Alam din natin na bilang Ombudsman ang ‘last hurrah’ ni Bossman bilang ‘public servant’ at naniniwala tayong hindi niya papayagan na maging “malasado” o “malabnaw” ang isasampang reklamo.

Una, wala ito sa kanyang karakter at pagkatao at ikalawa, “mantsa” ito sa gusto niyang iwan na ‘legacy’ kapag nawala na siya sa puwesto.

Aber, gusto ba niyang “maalala” ng mga Pinoy na tanging Ombudsman na natalo sa pinakamalaking kaso sa kasaysayan ng katiwalian sa gobyerno dahil “mahina” ang isinampa niyang reklamo?

Kaya sa mga sumisigaw ng “hustisya” sa malawakang pagnanakaw sa gobyerno, “kalma” lang kayo, mga bosing!

May bago na tayong Ombudsman at siya ang magtitiyak ng hustisya para sa lahat!

Abangan!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here