SA gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa Pilipinas, tahimik ngunit mabigat ang laban na kinakaharap ng mga public utility driver—isang suliraning hindi lamang pang-ekonomiya kundi pangkalusugan din, lalo na sa aspeto ng mental at pisikal na stress.
Araw-araw bumibiyahe ang mga tsuper ng jeepney, bus, at tricycle na may pasan na matinding pressure tulad ng kakulangan sa kita bunsod ng kamahalan ng krudo. Papaano na nga naman ang pang-araw-araw na gastusin kung halos wala nang matira matapos magpakarga ng gasolina o diesel? Huwag naman sanang dumating sa puntong tumigil ang ilan sa pamamasada, hindi upang mag-rally kundi upang magbago na ng karera. Kapag ganito ang naging sitwasyon, panibagong dagok ito para sa mga mananakay.
Ang stress na kinakaharap ng driver ay maaaring magpataas ng panganib at aksidente pati na rin sa kanilang mga pasahero at kapwa motorista.
Hazards ang patuloy na pag-aalala sa pang-araw-araw na gastusin—pagkain, matrikula ng anak, at mga bayarin sa bahay. Ang kakulangan sa sapat na pahinga at tamang nutrisyon ay lalo pang nagpapalala sa kanilang kalagayan na maaaring humantong sa mga seryosong sakit tulad ng hypertension at iba pang stress-related illnesses.
Ano nga ba ang pangmatagalan at konkretong solusyon, dear readers?
Isa sa mga agarang hakbang na matagal nang panawagan ay ang pagkansela o pansamantalang pagsuspinde ng excise tax sa langis. Sa ilalim ng TRAIN Law, ang buwis na ito ay direktang nagpapataas sa presyo ng fuel. Kung ito ay aalisin o babawasan, malaking kaginhawahan ito para mga tsuper at operator.
Kasabay nito, hindi dapat ipagpaliban ang modernisasyon ng pampublikong transportasyon. Isa dito ang jeepney modernization program na may potensyal na magbigay ng mas episyente, mas ligtas, at environment-friendly na disenyo. Ang itsura ng modernong electric jeep (hindi electric bus, he-he-he) ay hango sa orihinal na design pero air-conditioned, may fire-exit at mas maayos para sa kalusugan ng driver at pasahero tulad ng disenyo na itinutulak ng jeepney modernization advocates na sina Manong Chavit Singson, Ka Lando Marquez at iba pa. Kailangan lamang itong ipatupad nang may sapat na suporta mula sa pamahalaan tulad ng subsidiya, mababang interes sa pautang at kasanayan.
Ang pagresolba sa krisis sa fuel at transportasyon ay hindi lamang para sa ikabubuhay ng mga driver, ito ay para sa kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng bawat Pilipinong umaasa sa pampublikong transportasyon araw-araw.






