Home NATIONWIDE Hustisya sigaw ng pamilya ng Dengvaxia ‘victims’

Hustisya sigaw ng pamilya ng Dengvaxia ‘victims’

MANILA, Philippines- Kasunod ng kautusan na ibasura ang mga kaso laban kay dating Health Secretary Janette Garin at iba pa kaugnay ng Dengvaxia vaccine issue, nagsagawa ng kilos-protesta ang mga pamilya ng umano’y mga biktima nitong Biyernes sa Department of Justice (DOJ).

Dala ang mga poster, inihirit ng mga raliyista kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na busisiin ang reklamo.

“Biktima po ang aming mga anak ng experimental vaccine. Kaya hustisya lamang po ang aming tanging hangad. Naway ‘wag niyo ipagkait,” anang isang kasama sa rally.

Nagpalabas ang DOJ kamakailan ng resolusyon na nag-uutos na bawiin ang mga kasong reckless imprudence resulting in homicide laban kay Garin at iba pa.

Hiniling naman ng Public Attorney’s Office (PAO) sa DOJ na muling ikonsidera ang resolusyon nito, iginiit na mayroong “prima facie evidence with reasonable certainty of conviction” laban kay Garin at kanyang co-accused.

Samantala, umapela ang isang raliyista kay Justice Undersecretary Jesse Andres na mag-inhibit mula sa mga kaso, sinabing siya ang personal lawyer ni Garin.

“Bias[ed] po. Hindi po namin nakikita talaga nagpatas na paglilitis sa kaso namin. Sobrang biased po,” wika niya.

Iginiit naman ni Andres na umatras na siya bilang abogado ni Garin noong May 2022, bago siya pumasok sa DOJ.

“Another Undersecretary reviewed the evidence together with Secretary Remulla who issued the resolution citing the findings of WHO itself on the safety of the vaccine,” wika niya.

“I commiserate and feel sorry for the parents who were deceived that there was scientific basis that the vaccine was the cause of the death of their children,” dagdag ng opisyal. RNT/SA