Home NATIONWIDE P1M tobats nasabat sa tulak sa Caloocan

P1M tobats nasabat sa tulak sa Caloocan

MANILA, Philippines- Nasa mahigit P1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang hinihinalang bigtime tulak ng droga matapos maaresto ng pulisya sa ikinasang buy-bust operation sa Caloocan City.

Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/Col. Josefino Ligan, kinilala ni Caloocan police chief P/Col. Edcille Canals ang suspek na si alyas “Boss”, 23.

Ayon kay Col. Canals, ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation, katuwang ang Police Sub-Station 11 matapos magpositibo ang natanggap nilang impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta ni alyas Boss ng droga.

Agad na dinamba ng mga operatiba ng SDEU ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-12:43 ng hatinggabi sa Block 14, Kaagapay Road, Barangay 188.

Nakumpiska sa suspek ang nasa 155 gramo ng hinihinalang shabu na may katumbas na halagang P1,054,000 at buy-bust money na isang tunay na P500 bill at pitong pirasong P1,000 boodle money.

Nakatakdang sampahan ng SDEU ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni Col. Ligan ang Caloocan police para sa kanilang hindi natitinag na dedikasyon, propesyonalismo, at pambihirang pagganap. Rene Manahan