SA pangalawang araw ng pagbubukas ng Commission on Elections sa paghahain ng certificate of candidacy para sa mga kandidatong senador at party-list representatives sa Manila Hotel, naging agaw pansin itong si Deo Balbuena o kilala bilang “Diwata”.
Naghain ng Certificate of Nomination and Acceptance ng sumikat na pares vendor na nagnais na pasukin ang entertainment industry at ngayon naman ay pulitika.
Si Balbuena ay naghain ng CONA bilang ika-4 na nominee ng Vendors Partylist.
O, dito pa lang, halatang-halata na ginagamit lang ng Vendor Partylist na ito ang kasikatan ni Diwata na sumikat sa pagbebenta ng pagkain Pares sa Pasay City.
Unang-una, may alam ba kaugnay sa pulitika si Balbuena? Hindi naman sa minamaliit ng inyong lingkod ang pagkatao nitong si Balbuena dahil, ang totoo, bilib mismo ako sa kanyang paghahanap-buhay ng marangal. Malinis ang pinanggagalingan ng perang kanyang ikinabubuhay at pati na ng kanyang pamilya.
Halata namang wala siyang kalam-alam sa takbo ng pulitika. Hindi nga niya alam na ginagamit lang siya!
Ang ikalawa, hindi katanggap-tanggap ang pagiging ika-4 na nominado nito sa kanyang partido. Kasi nga, makakuha man ng napakaraming boto ang kanilang party-list, tiyak na hindi rin naman siya makauupo bilang kongresista o kinatawan ng partido sapagkat hanggang tatlo lang ang pinapayagang maupo sa Kongreso.
Eh ‘di laglag ang panga ni Diwata na maghapon at magdamag kasama na ang araw ng Linggo na kanyang pahinga sa kanyang pangangampanya.
Ikatlo, ang mga kasama ba ni Balbuena sa Vendor Partylist ay totoong mga magtitinda? Talaga bang bahagi ang mga ito ng marginalized sector? Eh, baka nga ang mga nominee nila ay pawang politiko o kung hindi man ay negosyante.
Ginagamit lang nila ang kasikatan nitong si Diwata upang makakuha ng pwesto sa Kongreso sa darating na Midterm Elections 2025.
Pero ang totoo, sariling interes o kapakanan ng kanilang kabuhayan o negosyo ang kanilang hangarin na maisaayos. Paano naman ang mga totoong mga manininda?
Sana lang ay huwag na magpagamit pa ang mga taong sumikat dahil sa kakaiba nilang ipinamalas sa mamamayan sa pamamagitan ng kanilang abilidad. Isipin pa rin dapat nila ang kapakanan ng sambayanan at hindi ng iilan na ginagamit sila sa panloloko ng mga botante.
Kaya kayo dyan, huwag magpagamit at magpaloko sa mga ungas na politiko na ang tanging hangad ay makapwesto sa Kongreso hindi lang upang sumikat subalit higit sa lahat ay kumita ng limpak na pera.






