Home OPINION PAGTAAS NG MINIMUM NA SAHOD SA REGION II, III at XII, EPEKTIBO...

PAGTAAS NG MINIMUM NA SAHOD SA REGION II, III at XII, EPEKTIBO NA SA OKTUBRE 17

Naglabas ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa Region II (Cagayan Valley), Region III (Central Luzon), at Region XII (SOCCSKSARGEN) ng motu proprio wage order na nagbibigay ng pagtaas sa arawang minimum na sahod ng mga manggagawa sa pribadong establisimyento. Alin­sunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., sa Kagawaran noong Araw ng Paggawa na magsagawa ng napa­panahong pagsusuri sa minimum na sahod.

Ang mga pagsasaayos sa mga may pagkakaibang rate sa bawat rehiyon, ay magkakasamang napagkasunduan at inaprubahan ng mga miyembro ng kani-kanilang RTWPBs.

Sa Cagayan Valley, magbibigay ang RTWPB-II ng karagdagang P30 sa arawang minimum na sahod sa lahat ng sektor kapag naging epektibo na ang Wage Order. Para sa non-agriculture sector, mula sa P450 ay magiging P480 na ang arawang minimum na sahod, at mula P430 magiging P460 para sa sektor ng agrikultura.

Inaprubahan din ng RTWPB-II ang dagdag na P500 sa buwanang sahod para sa mga kasambahay sa lahat ng lungsod at munisipalidad sa rehiyon, kung saan magiging P6,000 ang buwanang minimum na sahod.

Sa Central Luzon, pinasimple ng RTWPB-III ang istraktura ng sahod nito sa pangunahing klasipikasyon ng sektor/industriya ng non-agriculture, agriculture, at retail and service. Tataas ng P50-P66 ang arawang minimum na sahod sa rehiyon sa ha­nay na P500-P550 sa non-agriculture sector; P485-P520 sa agriculture sector; at P435-540 sa retail at service establishments kapag ganap ng naipatupad ang lahat ng tranches.

Sa SOCCSKSARGEN, ipinagkaloob ng RTWPB-XII ang karagdagang halaga na P27 hanggang P48 sa arawang minimum na sahod sa rehiyon kung saan magiging P430 sa non-agriculture sector kabilang ang retail at service establishments, at P410 sa agriculture sector kapag naipatupad na ang lahat ng tranches.
Alinsunod sa mga umiiral na batas at pamamaraan, isinumite ang mga wage order sa National Wages and Productivity Commission (NWPC) para sa pagsusuri at pinagtibay ito noong 25 Setyembre 2024.

Ipalalathala ang mga wage order sa 01 Oktubre 2024 at magkakabisa sa 17 Oktubre 2024.