MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Pasay City police ang isang high-value individual (HVI) at dalawa pa niyang kasabwat sa ikinasang buy-bust operation Miyerkules ng hapon, Pebrero 19.
Sa report ng Pasay City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang mga nadakip na suspects na sina alyas Mon, 57, tinaguriang HVI; alyas Jospeh, 30; at isang alyas Melisa, 27.
Ayon sa SPD, nangyari ang pag-aresto sa mga suspects sa isinagawang buy-bust operation bandang ala 1:20 ng hapon sa Barangay 178, Zone 19, Pasay City.
Sa naturang operasyon ay narekober posesyon ng mga suspects ang isang medium-size heat-sealed transparent plastic sachet at dalawa pang maliit na plastic sachets na naglalaman ng may kabuuuang 52 gramo na nagkakahalaga ng ₱353,600; isang kulay pulang maliit na leather pouch na pinaglagyan ng ilegal na droga; at ang ₱1,000 buy-bust money na nakapaibabaw sa 34 piraso ng tig-₱1,000 bogus money.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 13, Article II of Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang mga suspects na kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU ng Pasay City police. (James I. Catapusan)