Home NATIONWIDE HVI arestado sa higit P3.4M shabu

HVI arestado sa higit P3.4M shabu

MANILA, Philippines- Kumpiskado ang P3,434,000 halaga ng shabu na narekober sa posesyon ng isang drug suspect sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City police nitong Martes, Marso 12.

Sa report na isinumite ng Las Piñas City police sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang inarestong suspek sa alyas lamang na Kuya, 44, isang high value individual (HVI).

Ayon sa SPD, matagumpay na naisagawa ng mga miyembro ng Las Piñas police SDEU ang buy-bust operation dakong alas-12:40 ng madaling araw sa Barangay Almanza Uno, Las Piñas City.

Sa isinagawang operasyon ay narekober sa posesyon ni alyas Kuya ang 505 gramo ng hinihinalang shabu, isang black leather coin purse, Samsung cellular phone, isang kulay pulang eco bag at ang P300 buy-bust money na ginamit sa operasyon.

Ang narekober na hinihinalang shabu, na gagamiting ebidensya para sa pagsasampa ng kaso laban sa suspek, ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng Las Piñas City police ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. James I. Catapusan

Previous articleKalahati ng 5% milk sufficiency target maaabot ng Pinas sa 2025 – NDA
Next articleIna patay sa pananaksak ng anak na ‘di nabigyan ng pera