MANILA, Philippines- Arestado ang isang lalaki sa Barangay Masambong, Quezon City dahil sa umano’y pananaksak sa kanyang ina hanggang mawalan ito ng buhay ito dahil sa pera.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, humingi umano ang 39-anyos na suspek mula sa kanyang ina ng pera subalit tumangging magbigay ang huli. Kalaunan ay inatake niya ang biktima at ilang beses sinaksak.
“Nanghingi yung anak sa nanay niya ng certain amount of money pero di napagbigyan. So nung patulog na sila nung araw na ‘yun nakarinig ‘yung isa pa sa mga anak ng biktima na humihingi ng tulong yung nanay,” pahayag ni Police Lieutenant Colonel Jewel Nicanor, Chief of Police ng Masambong Police Station.
“Nung puntahan sa kwarto nila nakita niya yung nanay niya duguan at may hawak na patalim yung kapatid niya,” dagdag niya.
Isinugod ang biktima sa ospital subalit pumanaw din ito dahil sa mga natamong saksak sa dibdib.
“May statement pa yung suspek na this is not the first time na nag attempt siya na gawin niya sa nanay niya yon,” patuloy ni Nicanor.
Batay sa mga kapatid ng suspek, may problema umano ito sa pagsusugal at posibleng dahilan kaya nagawa nito ang krimen.
Ani Nicanor, dati nang naaresto ang suspek dahil sa llegal gambling noong 2017.
Tumangging magbigay ng komento ang suspek.
Kasalukuyan siyang nasa kustodiya ng Quezon City Police District Criminal Investigation and Detection Unit at nahaharap sa parricide charges. RNT/SA