Home METRO Binatang nagpaparada ng motorsiklo, tigok sa bala

Binatang nagpaparada ng motorsiklo, tigok sa bala

MANILA, Philippines – NASAWI ang 21-anyos na binata matapos itong pagbabarilin ng isa sa dalawang hindi pa nakikilalang suspek habang ipinaparada ng biktima ang kanyang motorsiklo sa Malabon City.

Kuha sa CCTV ang ginawang pamamaril ng suspek sa biktimang si alyas “Julius Kulot” residente ng Bagong Barrio, Caloocan City na namatay kaagad sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa ulo at katawan.

Sa tinanggap na ulat ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nangyari ang insidente dakong ala-1:15 ng hapon ng Sabado sa harapan ng De La Salle University sa Brgy. Potrero habang inaayos ng biktima ang pagparada ng kanyang motorsiklo sa harapan ng naturang Pamantasan.

Sa pahayag sa pulisya ng saksing si alyas “Rolly” 39, vendor ng mani sa lugar, nakita niya ang pagdating ng dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo na parehong nakasuot ng itim na jacket at huminto sa tabi ng biktima.

Bumaba ang naka-angkas na armado ng baril at malapitang pinaputukan ng tatlong beses ang biktima bago mabilis na nagsitakas patungo sa Bagong Barrio sa Caloocan.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakadakip sa mga suspek habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril. R.A Marquez