MANILA, Philippines – BAGSAK sa kulungan ang isang drug suspect na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng nasa P374,0000 halaga ng shabu makaraang maaresto ng pulisya sa ikinasang buy bust operation sa Valenzuela City, Sabado ng umaga.
Kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek bilang si alyas “Michael”, 35, ng Brgy., Punturin na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa imbestigasyon ni Police Investigator P/MSg Ana Liza Antonio, isa sa mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ang nagawang makipagtransaksyon kay alyas Michael kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil pagbebenta umano nito ng illegal na droga.
Kaagad namang bumuo ng team si SDEU Chief P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong alas-7:25 ng umaga sa harap ng isang Junskshop sa Bignay-Punturin Bypass Road Brgy. Bignay, ng lungsod.
Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 55 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money, coin purse na itim at P350 cash.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang operating team sa matagumpay na operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga sa area ng CaMaNaVa. Merly Duero