Home METRO HVI nalambat, mahigit P.7M shabu nasabat sa Pasay

HVI nalambat, mahigit P.7M shabu nasabat sa Pasay

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pakikipagkoordinasyon sa PDEA-RO-NCR-SDO ang isang high value individual (HVI) na nakuhanan ng P741,880 halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation Miyerkules ng tanghali, Abril 17.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Mario Mayames, Jr. Ang nadakip na suspect na si Michael Peralta y Mallari, alyas Boss, 37, residente ng Blk. 330 Lot 27 San Agustin St., Pembo, Taguig City.

Base sa report na isinumite ni Mayames sa Southern Police District (SPD), naganap ang pagdakip kay alyas Boss dakong alas 12:30 ng tanghali sa panulukan ng Buendia Avenue at Roxas Boulevard, Barangay 76, Pasay City.

Sinabi ni Mayames na sa ikinasang buy-bust operation ay narekober sa posesyon ni alyas Boss ang isang medium at limang maliit na heat-sealed plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 109.1 gramo; 1 kulay asul na OPPO cellular phone; at ang P1,000 genuine buy-bust money na nakapaibabaw sa 69 bogus money.

Ang mga narekober na hinihinalang shabu na gagamitin bilang ebidensya laban sa suspect ay dinala sa SPD Forensic Unit upang sumailalim sa chemical analysis.

Kasalukuyang nakapiit sa custodial facility ng SDEU si alyas Boss na nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 at Sec. 11 Art. 2 ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002). James I. Catapusan