Home NATIONWIDE MMDA nagsimula na sa crackdown vs e-bikes, tricycle sa nat’l roads

MMDA nagsimula na sa crackdown vs e-bikes, tricycle sa nat’l roads

Larawan kuha ni Crismon Heramis

MANILA, Philippines – – Nagsimula na ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) nitong Miyerkules, Abril 17 sa implementasyon ng ban sa e-bikes, tricycles, at iba pang kaparehong uri ng sasakyan sa mga pangunahing kalsada sa National Capital Region.

Sa situation report nitong tanghali, iniulat ng MMDA na nasa kabuuang 87 sasakyan na ang kanilang nahuli, 50 dito ang tricycle, apat ang pedicab, 18 e-trikes at 15 e-bikes.

Nagmulta ng P2,500 ang bawat mga nahuli habang na-impound naman ang 19 sa mga ito dahil hindi nakarehistro o walang lisensya ang mga drayber.

Sa pahayag, sinabi ni MMDA acting chair Romando “Don” Artes na ang polisiya ay inanunsyo na sa pamamagitan ng memorandum na inilabas naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

“Ang pangunahing layunin ng regulasyon ay para sa kaligtasan ng publiko, maiwasan ang mga aksidente, at maiwasan ang bigat sa daloy ng trapiko,” ani Artes.

Noong Abril 15, nagpaalala si Artes sa publiko na ipinapatupad na ang ban sa mga e-bike at iba pang hindi rehistradong sasakyan sa mga pangunahing kalsada bagama’t hindi sila agad nanghuli kundi nanita muna.

Matatandaan na noong Marso 11 ay inanunsyo ng MMDA ang implementasyon ng Regulation No. 24-022 na nagbabawal sa mga e-bike, e-trike, tricycle, pedicab, pushcart, at kuliglig sa pagdaan sa mga pangunahing kalsada, circumferential roads, at radial roads sa Metro Manila simula Abril 15.

Ang regulasyon ay batay sa DILG Memorandum Circular No. 202-036 at 2023-195 maging ang Land Transportation Office Administrative Order No. 2021-039 o ang Consolidated Guidelines in the Classification, Registration and Operation of All Types of Electric Vehicle. RNT/JGC