MANILA, Philippines – Nasamsam ng pulisya nitong Miyerkules, Agosto 28 ang nasa P816,000 halaga ng shabu mula sa umano’y high value trafficker sa Lucena City, Quezon.
Iniulat ni Colonel Ledon Monte, Quezon police chief, na naaresto ng mga miyembro ng
provincial drug enforcement unit si “Edwardo,” 36, sa operasyon bandang 10:55 ng gabi matapos pagbentahan ng shabu na nagkakahalaga ng P1,000 ang isang undercover police sa Barangay Dalahican.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang dalawang plastic sachet at dalawang plastic bag na naglalaman ng shabu na may timbang na 40 gramo.
Aabot sa P816,000 ang kabuuang halaga ng mga nasamsam na shabu batay sa street market value na P20,400 kada gramo.
Iniimbestigahan na ng Quezon police ang source ng shabu ng suspek.
Nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. RNT/JGC