Home NATIONWIDE Kakulangan ng stored value cards sa MRT kinwestyon ng solon

Kakulangan ng stored value cards sa MRT kinwestyon ng solon

MANILA, Philippines – Kinuwestyon ni OFW Partylist Rep. Marissa Del Mar ang kakulangan sa Stored Value Cards (SVCs) o Beep cards sa MRT 3 na nagdudulot ng abala sa mga mananakay.

Sa pagdinig ng House Committee on Appropriations kung saan hinimay at isinailalim sa pagsusuri ang may P180.894- bilyong panukalang badyet ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2025.

“Bakit nagkakaroon ng shortage ng supply ng SVCs? May historical data ba at hindi ba nagpo-project naman ang increase sa demand ng SVCs batay na rin sa volume ng ridership ng MRT3,” tanong ni Magsino.

Naging tugon naman ni Asst. Secretary Jorjette Aquino na namumuno sa MRT-3 “na hindi na sapat ag pondong nakalaan para sa SVCs. Noong 2018 ay mayroong budget para sa 450,000 cards subalit bumaba ang allocation noong 2023-2024 at sapat lamang ito sa 200,000 cards.”

Dahil dito, isinulong ni Magsino na taasan ang alokasyon ng DOTr para sa susunod na taon upang hindi na aniya bumili sa “scalpers” ang ilang mga OFW ng SVC cards para sa MRT.

Agad namang pinagtibay ang budget allocation ng DOTr para sa susunod na taon ng komite na pinamumunuan ni Ako Bicol Party-list Rep. Elizaldy Co matapos banggitin ni Committee senior vice chair at Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo na dapat lamang mailatag ang may malaking pondo ng DOTr dahil sa mahalagang papel na gagampanan nito sa isyu ng transportasyon sa bansa.

“Ang Department of Transportation ay may mahalagang tungkulin na tiyakin na ang ating mga sistema ng transportasyon ay epektibo, ligtas, at abot-kaya. Ang mga ito ay hindi lamang istruktura. Ito ay mga mahalagang koneksiyon na nag-uugnay sa mga komunidad, nagpapasigla sa ekonomiya, at nagpapadali ng buhay ng bawat Pilipino,” ani Quimbo.

Ayon naman kay DOTr Secretary Jaime Bautista na kabilang sa gugugulan ng panukalang badyet sa 2025 ay ang Metro Manila Subway Phase 1, North-South Commuter Railway at ang patuloy na rehabilitasyon ng MRT-3. Meliza Maluntag