Home METRO Iba pang palapag ng sinalakay na illegal clinic para sa POGO workers...

Iba pang palapag ng sinalakay na illegal clinic para sa POGO workers hahalughugin ng NBI

MANILA, Philippines- Sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) nitong Linggo na hahalughugin nito ang iba pang palapag ng three-storey building sa Makati City kung saan makikita ang isang ilegal na klinika para sa mga manggagawa sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, mayroon lamng silang search warrant para sa ground floor ng gusali kung saan natagpuan ang klinika na tumutugon sa mga Chinese at Vietnamese na pasyente kahit ito ay nakarehistro lamang bilang isang botika.

Sinabi ni Santiago na ang itaas na palapag ay storage ng mga gamot.

Idinagdag ng opisyal na nakipag-ugnayan na sila sa Food and Drug Administration (FDA) at muling bibisitahin ang gusali ngayong Lunes.

Matatagpuan ang sinalakay na klinika sa Barangay San Isidro sa Makati na konektado umano sa isang ilegal na POGO hub sa Calabarzon Region na binabantayan din ng NBI.

Mayroong dalawang Chinese at dalawang Vietnamese na pasyente, gayundin ang pitong Filipino clinic staff, kung saan dalawa ay mga doktor, sa ilegal na klinika nang isagawa ang raid.

Sinabi ni Santiago na ang Filipino doctor ay hindi nakikipagtulungan.

Natuklasan din sa klinika ang mga Chinese medicine na hindi rehistrado sa FDA .

“’Yung clinic, hindi dapat clinic kundi botika ang kanilang lisensya. We have a certification from the DOH that that place is supposed to be a botika lamang, hindi clinic. Hindi magke-cater sa mga patients, magko-cure ng patients,” giit ni Santiago.

Sinabi pa ni Santiago na tinitingnan nila ang iba pang lugar kung saan nag-ooperate ang naturang mga klinika para sa illegal POGO workers.

Noong Mayo, nagsagawa rin ng raid ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) laban sa isang ospital na ilegal na nag-ooperate na umano’y nauugnay sa mga POGO sa Pasay City.

Ayon sa tagapagsalita ng PAOCC na si Winston John Casio, sa “pekeng ospital” na ito maaaring pumupunta o dinadala ang mga nasugatan, maysakit, o tinortyur na mga manggagawang POGO, kaya hindi sila pwedeng ipasok sa isang lisensyadong ospital sa Pilipinas kung saan sila tatanungin upang ipakita ang patunay ng pagkakakilanlan. Jocelyn Tabangcura-Domenden