Home NATIONWIDE Geneva Lopez, nobyo may tig-2 tama ng bala – NBI

Geneva Lopez, nobyo may tig-2 tama ng bala – NBI

MANILA, Philippines- Lumabas sa autopsy ng National Bureau of Investigation (NBI) na binaril ng tig-dalawang beses ang beauty pageant contestant at kanyang Israeli boyfriend.

Kinilala ang beauty queen pageant contestant na si Geneva Lopez na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang likod na lumabas sa dibdib at hita habang ang kanyang kasintahang si Yitshak Cohen ay binaril sa dibdib at malapit sa kili-kili, ayon kay NBI Director Jaime Santiago.

Sinabi rin ni Santiago na ang Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang lead agency ng imbestigasyon. Nakikipagtulungan naman ang NBI sa kanila at nagbibigay ng forensic assistance.

Natagpuan ang mga labi ng mga biktima sa bakanteng lote sa isang quarry site sa Barangay Sta. Lucia, Capas, Tarlac noong Sabado ng umaga.

Kinumpirma ni Santiago na ang mga labi ay kina Lopez at Cohen.

Sinabi rin ni Santiago na kinumpirma na rin ng pamilya ang pagkakilanlan ng dalawang bangkay.

“So natagpuan na nga ang dalawang bangkay at na-identify na ng family. So far nakilala ng family sa kanilang mga kasuotan at mga tatak sa katawan, ‘yung mga marka sa katawan,” wika ni Santiago.

“Pero decomposing na ‘yung ano, decomposing na ‘yung body nang makita so kailangan na talagang ma-identify namin na ‘yun na nga ang mga bangkay. Isa sa ano ay autopsy,” dagdag pa ng opisyal.

Nakita ring nasunog ang kanilang SUV sa kahabaan ng isang kalsada sa Capas na walang palatandaan ng mga sakay nito. Jocelyn Tabangcura-Domenden