MANILA, Philippines – Binatikos ni Rep. Brian Poe ng FPJ Panday Bayanihan ang maliit na ambag ng online gaming sa kabang-bayan sa ₱60 bilyon o 0.23% ng GDP lamang noong 2024.
Ang pagbatikos ay inungkat ni Rep. Poe sa isinagawang Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Mababang Kapulungan.
Giit ni Poe, hindi dapat umasa ang gobyerno sa industriyang nagpapalaganap ng bisyo at nagdudulot ng mabigat na social cost – nakakaapekto sa buhay ng tao sa kanilang kagalingan, kalusugan, at katatagan ng ekonomiya.
Inurirat ni Rep. Poe ng katanungan ang Department of Finance ang kahandaan ng gobyerno na humanap ng iba pang mapagkukunan ng kita sakaling ipatupad ang mas mahigpit na regulasyon o tuluyang alisin ang mga immoral na industriya.
Itinuran ni Rep. Poe ang ilang posibleng mapagkukunan ng dagdag na buwis.
“Tinitingnan natin ang posibilidad ng excise tax sa plastics, na sa ngayon ay wala pang pambansang excise tax, at sa pagmimina, kung saan 2% lamang ang kinokolekta ng Pilipinas—malayo kumpara sa pandaigdigang pamantayan,” ani Poe.
“We’ll gladly work with you on that. Any additional revenue stream for the national government will be very much welcome,” tugon ni DOF Secretary Ralph Recto.
Inilahad ng Finance Secretary na may mga repormang naipasa na upang ayusin ang sistema ng pagbubuwis sa pagmimina, at bukas sila na makipagtulungan sa Kongreso para sa karagdagang hakbangin.
Ipinayo ni Rep. Poe na dapat pagtuunan ng mga patakaran sa pananalapi ng gobyerno ang mga sustainable at produktibong industriya habang tinitiyak ang matatag na kita para sa pambansang pondo. RNT