MANILA, Philippines- Hindi makikisawsaw ang Integrated Bar of the Philippines (IBP) sa problemang kinakaharap ni Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ni Vice President Sara Duterte.
Sa isang kalatas, sinabi ni IBP national president Antonio Pido na obligado ang grupo ng mga abogado na manatiling non-political.
Iginiit ng IBP na walang animang posisyon ang grupo hinggil sa contempt at detention order na inisyu ng Kamara laban kay Lopez.
Sa katunayan aniya ay bawal sa IBP na lumahok sa partisan politics at hindi sila maglalabas ng pahayag na maaaring pumabor o kumontra sa isang political party o political group.
Una nang hinamon ni dating Presidential spokesperson Harry Roque ang IBP na manindigan at magsalita hinggil sa isyu ng pagkakapiit kay Lopez.
Naniniwala ang IBP na sa sandaling magbigay ito ng pahayag ay maaaring mapagkamalang political action at masira ang kanilang imahe bilang isang non-political organization.
Iginiit ng IBP na humarap si Lopez sa pagdinig ng Kamara bilang Chief of Staff ni VP Duterte at hindi dahil isa siyang abogado. Teresa Tavares