MANILA, Philippines- Muling inihayag ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya kinikilala ang International Criminal Court (ICC) dahil wala itong hurisdiksyon sa Pilipinas.
Sa “Basta Dabawenyo” podcast nitong Lunes kasama sina dating presidential spokespersons Harry Roque at Trixie Angeles, itinaas ni Duterte ang gitnang daliri niya bilang tugon sa ICC.
Isa si Duterte sa subjects ng ICC investigation sa umano’y crimes against humanity sa implementasyon ng kanyang drug war, na nagresulta sa libo-libong pagkasawi sa police operations.
“P***** i**** ICC na yan. I do not recognize that… Ano yang ICC na yan? Are we or are we not? Yun ang tanong ko muna: Is jurisdiction, abogado ako eh, fiscal ako. Whenever I face a case dito sa korte every day, magtanong ako diyan: Do I have the power? May jurisdiction ba ako dito sa kaso na pino-prosecute niyo? Huwag tayong magdaldal, let’s go legal,” giit ng dating Pangulo.
Tinanong ang dating presidente ng dating presidential spokespersons kung dadalo siya sa Congressional hearing sa extra-judicial killings, kung saan inimbitahan si Duterte.
Hindi tumugon si Duterte sa tanong, sa kabila ng posibilidad ng subpoena o contempt sakaling hindi siya sumipot sa pagdinig.
“Karaming nangyayari sa mundo. Masaker dito, masaker doon. Pati yung Amerikano, ilan ang pinatay. Ano ba ang ginawa ninyong mga ICC kayo? Karaming injustice, karaming violence, senseless. Walang karason-rason. Dito nangyayari, especially perpetuated by the Americans. Wala kayong ginawa,” wika ni Duterte.
Matatandaang sinabi ng Office of the Solicitor General na hindi haharangin ng pamahalaan ng Pilipinas ang International Criminal Court prosecutor sa pagsasagawa ng interview sa “suspects” na inaakusahan ng crimes against humanity sa drug war.
Ang Philippine government “has no legal duty to lend any assistance to the ICC prosecutor in conducting his investigation but [it] cannot stop him from proceeding any way he wants,” pahayag ni Solicitor General Menardo Guevarra.
Iniimbestigahan ng ICC prosecutor ang anti-narcotics campaign ni Duterte sa tinawag ng ICC Pre-Trial Chamber noong 2021 na tila “widespread and systematic attack against the civilian population took place pursuant to or in furtherance of a state policy.”
Tumanggi si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., humalili kay Duterte, na makipag-ugnayan sa ICC probe at walang ginawang hakbang upang muling maging miyembro nito, kung saan iginiit na may umiiral na judicial system ang Pilipinas. RNT/SA