MANILA, Philippines- Maaring magpalabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa mga opisyal ng Pilipinas ngunit ibang usapin na kung maipatutupad ito sa bansa.
Inihayag ito ni Solicitor General Menardo Guevarra kasunod ng posibilidad na magpalabas ang ICC ng arrest warrant laban kay Vice President Sara Duterte at sa ibang opisyal ng bansa.
Iginiit ng Solgen na dito papasok ang kooperasyon ng Philippine government na mahalaga upang maipatupad ang posibleng arrest warrant.
Ayon kay Guevarra, ang pagpapalabas ng warrant ay batay sa magiging pagsusuri ng ICC pre-trial kung may sapat na batayan na nakagawa ng krimen ang isang opisyal.
Kinakailangan aniyang magkaroon ng ebidensya na tunay na magdidiin sa sangkot para makapag-isyu ng arrest order.
Magugunita na inakusahan ni dating Davao Senior Police Officer Arturo “Arthur” Lascañas si Inday Sarah na nasa likod ng Oplan Tokhang sa Davao noong ito ay nagsilbing alkalde taong 2012.
Nanindigan si Guevarra na hindi mababago ang posisyon ng pamahalaan na hindi ito makikipagtulungan sa ICC.
Samantala, hiniling ni Senator Imee Marcos sa DOJ na ipabatid kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang posisyon nito sa usapin.
Naniniwala ang senador na nakalilito na ang ibinibigay na mensahe ng DOJ. Teresa Tavares