MANILA, Philippines- Gustong isama ng ilang senador ang posisyon ng Pilipinas hinggil sa pagmamay-ari sa isla ng Sabah bilang amendments sa depinisyon ng baseline sa ilalim ng Maritime Zone bill.
Isinagawa ito ni Senador Robin Padilla sa kanyang interpelasyon sa panukalang batas saka hiniling sa gobyerno na igiit ang paghahabol hindi lamang sa teritoryo sa West Philippine Sea kundi maging sa Sabah.
Aniya, maraming natural resources an Sabah na maaaring gamitin ng mga Filipino partikular ng mga Muslim sa Mindanao.
“Ganoon din nating ipaglaban ang ating karapatan sa Sabah. Hindi ito usapin lang ng maliit na isla. Ito, malaking lupa ito. Ito ay may langis, may minerals (at) talagang dapat nakikinabang ang Pilipino sa Sabah ngayon pa lang. Paano natin ginigiit sa isla sa West Philippine Sea, dapat ay igiit natin ang karapatan natin sa Sabah pero di tayo humihingi ng gulo,” ayon kay Padilla.
Sinabi ni Padilla na mayroon nang batas ang Pilipinas – ang Republic Act 5446, na nilagdaang noong Agosto 1968 – hinggil sa Sabah bilang teritoryo ng Pilipinas.
Naunang isinulong ni Padilla ang paghahabol sa Sabah sa kanyang unang privilege speech noong 2022.
Samantala, pumayag naman si Senador Francis Tolentino, isponsor ng Senate Bill (SB) 2294 o ang Philippine Maritime Zones Act, na lagyan ng isang linya hinggil sa salitang hindi inaabandona ng Pilipinas ang paghahabol sa Sabah, kung magiging maayos ang parirala.
“Kung magagawa ng tamang lengwahe ang pag amyenda di ako tututol as long as it will strengthen not just the bill but our resolve that what is rightfully ours should be ours,” aniya.
Sa ilalim ng SB 2294, ang primary objective ng panukala ay ideklara ang maritime zones ng Pilipinas base sa pamantayan na itinakda ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Naunang pinagtibay ng Kamara ang sariling bersyon nito – House Bill (HB) 7819 noong nakaraang Mayo na nagtatakda sa maximum extent ng territorial sea (12 nautical miles), contiguous zone (24 nautical miles), exclusive economic zone (200 nautical miles) at continental shelf.
Pinapayagan din sa panukala ang delineation ng continental shelves na lumampas sa 200 nautical miles, alinsunod sa Article 76 ng UNCLOS. Ernie Reyes