MANILA, Philippines – Sinabi ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla nitong Biyernes na maaaring isa o dalawang buwan na lang ang natitira sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) bago nito ipasa ang mga nalikom na ebidensya ng umano’y anomalya sa flood control projects sa kanyang tanggapan.
“Tingin ko mga isa, dalawang buwan na lang ‘yan at maari nang i-turnover sa amin ang kanilang mga trinabaho,” sabi ni Remulla sa panayam sa Unang Balita.
“’Yun ang direksyon niyan, kasi hindi naman forever ang ICI at meron namang batas na nag-create ng Office of the Ombudsman na ngayon naman ay very active kami,” dagdag niya.
Inihayag ang pahayag ni Remulla isang araw matapos i-anunsyo ni ICI commissioner Rogelio “Babes” Singson ang kanyang pagbibitiw, na ayon sa Ombudsman ay hindi nakapagtataka.
“Matagal na niyang sinabi sa’kin ‘yan na hanggang December lang talaga ang kanyang pakay na magtagal, pagka’t madami din siyang ibang inaasikasong personal,” sabi ni Remulla. Santi Celario