MANILA, Philippines – Isinagawa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at United States Indo-Pacific Command (US Indopacom) ang kanilang ika-10 bilateral Maritime Cooperative Activity (MCA) sa West Philippine Sea (WPS) upang palakasin ang kanilang koordinasyon sa gitna ng tumitinding tensyon sa pinagtatalunang karagatan, partikular laban sa China.
Ayon kay AFP chief information officer Col. Xerxes Trinidad, ginanap ang pinakahuling ehersisyo noong Lunes, Disyembre 15, sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, sa kanluran ng Zambales. Sinabi niyang naganap ito wala pang isang linggo matapos ang ika-9 MCA noong Disyembre 9 hanggang 10, na nagpapakita ng mas mabilis at mas madalas na joint maritime activities ng dalawang bansa.
Nag-deploy ang AFP ng guided missile frigate BRP Miguel Malvar (FFG-06) na sinuportahan ng tatlong A-29B Super Tucano aircraft, tatlong FA-50 fighter jets, at isang Sokol search-and-rescue helicopter. Sa panig naman ng Estados Unidos, lumahok ang guided-missile cruiser USS Robert Smalls (CG-62), isang MH-60R Seahawk helicopter, at isang P-8A Poseidon maritime patrol aircraft.
Kabilang sa mga isinagawang aktibidad ang communications drills, maritime domain awareness exercises, sabay-sabay na pagmamaniobra ng mga barko, simulated raid, at low-pass fly-bys ng mga sasakyang panghimpapawid ng AFP at US forces. Nagsagawa rin ang mga Filipino naval commandos mula sa Naval Special Warfare Unit-9 ng visit, board, search, and seizure exercise sakay ng BRP Miguel Malvar.
Ayon kay Trinidad, ipinakita ng ehersisyo ang lumalakas na kakayahan ng AFP at US na mag-operate nang magkasama sa mga komplikadong sitwasyong pandagat, lalo na sa mga lugar na mahalaga sa regional sea lanes. Aniya, pinatutunayan ng ika-10 MCA ang magkatuwang na paninindigan ng Pilipinas at Estados Unidos na ipagtanggol ang rules-based Indo-Pacific region alinsunod sa international law.
Dagdag pa ng AFP, pinagtitibay rin ng MCA ang suporta sa kalayaan sa paglalayag at paglipad sa rehiyon, na mahalaga sa maritime security, regional stability, at isang malaya at bukas na Indo-Pacific. Tinitingnan din ang hakbang na ito bilang pagpigil sa lumalakas na presensya at kontrol ng China sa South China Sea.
Noong Disyembre 12, tatlong Pilipinong mangingisda ang nasugatan matapos gumamit ng water cannon, magsagawa ng mapanganib na maniobra, at putulin ang mga angkla ng kanilang bangka ang China Coast Guard at militia vessels malapit sa Escoda (Sabina) Shoal sa Spratly Islands. RNT/MND