Home NATIONWIDE De Lima: Seguridad ni Madriaga dapat higpitan

De Lima: Seguridad ni Madriaga dapat higpitan

278
0

MANILA, Philippines – Nanawagan si House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na tiyakin ang kaligtasan ng inmate na si Ramil Lagunoy Madriaga, matapos lumabas online ang kanyang affidavit na naglalaman ng mabibigat na akusasyon laban kay Vice President Sara Duterte.

Sa isang news forum, sinabi ni De Lima na hindi niya personal na masisiguro ang seguridad ni Madriaga, ngunit iginiit niyang tungkulin ng pamunuan ng BJMP na protektahan ito, anuman ang kalabasan ng mga alegasyon.

Aniya, mahalagang bantayan ang kaligtasan ng inmate habang iniimbestigahan at sinusuri ang mga paratang.

Si Madriaga ay kasalukuyang nakakulong sa BJMP facility sa Bicutan, Taguig City.

Sa kanyang affidavit, sinabi ni Madriaga na ang kampanya ni VP Sara Duterte noong 2022 ay umano’y pinondohan ng pera mula sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at drug money.

Ayon pa sa kanya, inutusan umano siya ng bise presidente na maghatid ng bilyon-bilyong pisong cash sa iba’t ibang tao, at nagbigay siya ng mga detalye ng mga transaksyon.

Ikinuwento ni Madriaga na mula 2022 hanggang 2023, sa umano’y utos ni VP Duterte, Col. Dennis Nolasco, at Col. Raymund Dante Lachica, naghatid siya ng malalaking halaga ng pera, kabilang ang apat na duffle bag na may tig-P33 milyon hanggang P35 milyon na confidential funds.

Ilan umano sa mga pinagdalhan ay isang alkalde sa Laguna, isang comedy bar kung saan naroon ang dating OVP spokesperson na si Reynold Munsayac, at isang sasakyan sa loob ng Ombudsman compound.

Dagdag pa niya, iniwan daw niya ang isang puting Toyota Vios na may P80 milyon sa loob nito sa SM Megamall, at noong unang bahagi ng 2020, inutusan din umano siyang maglipat ng Super Grandia na may P1 bilyon patungo sa isang meeting point sa Muntinlupa.

Sinabi ni De Lima na nabasa niya ang affidavit at inilarawan itong napakasensitibo at mabigat, hindi lamang laban kay VP Sara kundi pati sa dating Pangulo.

Gayunman, binigyang-diin niya na magiging maingat siya at hindi muna magbibigay ng hatol hangga’t hindi nasusuri nang maayos ang mga alegasyon.

Ayon pa sa kanya, ang affidavit ay notarized at duly sworn, at ang susunod na hakbang na lamang ay ang pagpapatibay nito sa tamang forum. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here