MANILA, Philippines – IDINEKLARA ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isa pang barangay sa lungsod ng Navotas na malinis at drug cleared laban sa iligal na droga.
Ika-13 barangay sa Navotas ang San Roque na naideklarang drug-cleared habang ang ibang barangay na napanatili ang kanilang drug-cleared status ay ang North Bay Boulevard South (NBBS) Dagat-dagatan, NBBS Proper, NBBS Kaunlaran, Navotas East, Navotas West, Tanza I, Tanza II, San Rafael Village, Bagumbayan North, Sipac-Almacen, Bangkulasi at Daanghari.
Base sa PDEA, ang Brgy. San Roque ay naging drug-cleared noong Hunyo 23 makaraan ang validation at pagtugon sa Section 12 ng Dangerous Drugs Board Regulation No. 4, series of 2021.
Upang maideklarang drug cleared ang isang barangay, ang mga drug personalities na nasa watchlist ay dapat na nabigyan ng nararapat na intervention, drug-free workplace habang aktibo ang mga barangay officials sa pagpapatupad ng anti-drug campaign, at iba pa.
“We urge Navoteños to be vigilant and report any suspicious individuals or activities to TXT JRT. Let us continue working hand in hand to keep our city and people safe from the drug menace,” ani Navotas City Mayor John Rey Tiangco.
Ang Navotas ay may community-based drug rehabilitation program na tinatawag na Bidahan, kung saan ang mga nalulong sa droga ay dumadaan sa mga counseling at routine testing upang masiguro na sinusunod ang programa.
Kamakailan, lumagda ang pamahalaang lungsod ng Memorandum of Agreement sa Department of Health – Treatment and Rehabilitation Center (DOH-TRC) sa Bicutan, Taguig City bilang isa sa pangangailangang akreditasyon ng Bidahan program.
Ang mga drug dependents na residente ng Navotas ay maaaring dalhin sa pasilidad upang magamot, marehab at mabigyan ng psychiatric treatment.
Sa pagdiriwang ng ika-16 na Navotas Cityhood Anniversary, 68 PWUD ang nagtapos mula sa Bidahan program. R.A Marquez