Home NATIONWIDE Ika-167 Malasakit Center binuksan sa Tamparan, Lanao del Sur

Ika-167 Malasakit Center binuksan sa Tamparan, Lanao del Sur

MANILA, Philippines – Opisyal na binuksan ang ika-167 Malasakit Center sa Tamparan District Hospital sa Tamparan, Lanao del Sur nitong sa Lunes, Pebrero 10.

Layon ng Malasakit Centers program na pagaanin ang pasanin ng mga mahihirap na pasyente na lumalapit sa iba’t ibang opisina upang makahingi lamang ng tulong.

Ang programa ng Malasakit Centers ay na-institutionalize sa ilalim ng Republic Act No. 11463, na kilala rin bilang Malasakit Centers Act of 2019, na pangunahing iniakda at itinaguyod ni Senator Christopher “Bong” Go.

Iniuutos ng batas sa lahat ng ospital na pinamamahalaan ng Department of Health at ng Philippine General Hospital na magtayo ng mga Malasakit Center. Opsyon din para sa ibang pampublikong ospital na gawin din kung makatutugon sila sa mga pamantayan sa pagpapatakbo na itinakda ng batas at sa pagsusuri ng DOH.

Si Senator Go, bilang chairperson ng Senate committee on health and demography, ay inimbitahan na saksihan ang opening ceremony kasama ang mga kinatawan mula sa mga pambansang ahensya at lokal na opisyal.

“Ang Malasakit Center, ito po’y one-stop shop kung saan nasa loob na po ng iisang kwarto sa ospital ang apat na ahensya ng gobyerno na may medical assistance programs para tulungan kayo. Hindi na po kailangang bumiyahe nang malayo at pumila sa iba’t ibang opisina para humingi ng tulong pampagamot mula sa gobyerno,” paliwanag ni Go.

Ayon sa DOH, ang Malasakit Centers ay nakatulong na sa mahigit 15 milyong Pilipino mula nang simulan ang programa noong 2018.

“Para sa lahat ng mga Pilipino ang Malasakit Centers lalo na sa mahihirap na pasyente na walang ibang malapitan kundi ang gobyerno. Pera po ninyo ‘yan na ibinabalik lang sa inyo sa pamamagitan ng serbisyong tapat, at dapat na mabilis at maaasahan,” ani Go.

Ang bagong bukas na Malasakit Center sa Tamparan District Hospital ay ikalawa sa Lanao del Sur, ang una ay sa Amai Pakpak Medical Center sa Marawi City. Ito ay bahagi ng 44 Malasakit Centers na tumatakbo na sa Mindanao, 30 sa Visayas at 93 sa Luzon.

Kinilala ni Go ang mga pagsisikap ni Chief Minister Murad Ebrahim, Minister of Health Dr. Kalid Sinolinding, Mayor Muhammad Juhar Disomimba, at iba pang opisyal na naroroon para sa kanilang suporta sa pangangalagang pangkalusugan ng kanilang komunidad. RNT