JAKARTA, Indonesia – Ipinagdiwang nitong Biyernes, Agosto 8 ang ika-58 founding anniversary ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa isang seremonya sa Jakarta, na dinaluhan ng mga lider, diplomat, at kinatawan mula sa iba’t ibang sektor.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Malaysian Prime Minister at 2025 ASEAN Chair Anwar Ibrahim na higit kailanman ay mahalaga ang pagkakaisa ng ASEAN sa gitna ng mga hamon sa rehiyon.
Aniya, patuloy dapat mag-invest ang ASEAN sa skills, infrastructure, at institutional capacity upang matiyak ang inklusibo at sustenableng pag-unlad.
Bilang bahagi ng kanyang pamana bago ipasa sa Pilipinas ang chairmanship sa 2026, iginiit ni Anwar ang layunin ng Malaysia para sa isang “inclusive, sustainable, and broadly-shared growth” sa buong rehiyon.
Inanunsyo rin niya ang pag-usad ng pagpasok ng Timor-Leste bilang ika-11 miyembro ng ASEAN ngayong taon.
“We are also pleased that Timor-Leste’s accession is moving forward. ASEAN’s strength lies in its openness and willingness of its members to support one another’s development. When Timor-Leste becomes the 11th Member-State, ASEAN will be complete representing all of the geographic Southeast Asia.”
Muling binalikan ni Indonesian Foreign Minister Sugiono ang pinagmulan ng ASEAN noong Agosto 8, 1967, nang lagdaan ng limang founding members—Indonesia, Malaysia, Thailand, Pilipinas, at Singapore, ang ASEAN Declaration sa gitna ng Cold War.
“ASEAN was not born in ideal condition. Yet, it endured,” ani Sugiono.
Para naman kay ASEAN Secretary-General Dr. Kao Kim Hourn, ang tunay na lakas ng ASEAN ay nakaugat sa “commitment to peace, cooperation, and unity in diversity,” na aniya’y higit pa sa pagiging isang organisasyong panrehiyon.
Kasabay ng selebrasyon, idinaos din ang ASEAN Day Food Festival kung saan tampok ang mga tradisyunal na putahe mula sa 10 kasaping bansa, Timor-Leste, at ASEAN External Partners. Pinangunahan nina Dr. Kao at Sugiono ang pagbubukas ng festival na taunang inihahanda ng ASEAN Women Circle. RNT/JGC