Home METRO Ikatlong libreng Angioplasty sa OsMa, matagumpay

Ikatlong libreng Angioplasty sa OsMa, matagumpay

1
0

MANILA, Philippines – Matagumpay na naisagawa ng Ospital ng Maynila Medical Center (OMMC) ang ikatlong libreng angioplasty sa isang 67-anyos na residente ng Maynila na nakalabas ng ospital nang hindi nagbabayad kahit aabot sa halos ₱975,000 ang halaga ng naturang operasyon.

Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang magandang balita sa kanyang “Talk to the People” Facebook livestream noong Huwebes, Hulyo 9. Ayon sa alkalde, libre ang isinagawang procedure na karaniwang nagkakahalaga ng ₱800,000 hanggang ₱1.5 milyon sa mga pribadong ospital.

“Magkano po binayaran ng pasyente natin ngayon? Zero. Literally zero. Walang binayaran. Salamat sa taxpayers ng siyudad,” ani Domagoso.

Ipinaliwanag ng alkalde na ang angioplasty ay isang minimally invasive procedure na ginagamit upang mabuksan ang mga baradong ugat sa puso nang hindi na kinakailangang sumailalim sa open-heart surgery. Dahil dito, mas mabilis ang paggaling ng pasyente at maaari na itong makauwi sa loob lamang ng ilang araw.

Binigyang-diin din niya na tuloy-tuloy na magbibigay ang Ospital ng Maynila ng libreng angioplasty sa mga kwalipikadong pasyente upang mabigyan ng pagkakataong makapagpagamot ang mga kapos-palad na Manilenyo.

Ayon kay Domagoso, isa ito sa mga programang nagbibigay ng pantay na pagkakataon sa mahihirap na makatanggap ng dekalidad na serbisyong medikal. Aniya, maraming buhay ang maaaring mailigtas kung may sapat na kagamitan, gamot at mga espesyalistang doktor sa pampublikong ospital.

Ang ikatlong matagumpay na angioplasty ay kasunod ng unang dalawang isinagawa noong Marso 2026, matapos buksan ng lungsod ang Cardiac Catheterization Laboratory noong Setyembre 2025 na unang nag-alok ng libreng angiogram.

Sinabi rin ni Domagoso na naglaan ang pamahalaang lungsod ng halos ₱25 milyon bilang standby fund para sa pagbili at maintenance ng mga kagamitan upang matiyak na magpapatuloy ang programa.

Pinasalamatan din niya ang medical team na pinamunuan ni Dr. Grace Padilla, kasama ang mga interventional cardiologist, anesthesiologist, nurses at radiologic technologists na nagsagawa ng operasyon. Jay Reyes 

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here