MANILA, Philippines – Maaaring makaranas ang Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan o thunderstorms ngayong Martes dahil sa localized thunderstorms, ayon sa PAGASA.
Sa 4 a.m. public weather forecast nito, sinabi ng state weather bureau na umiiral sa Northern at Central Luzon ang ridge ng high pressure area (HPA). Ayon sa PAGASA, ito ay isang bugso ng malamig at tuyong hangin na pumipigil sa pagbuo ng cloud bands at nagpapababa sa posibilidad ng pag-ulan.
Gayunman, sinabi ng PAGASA na maaari pa ring makaapekto ang localized thunderstorms sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa.
Idinagdag pa ng ahensya na makararanas ang Northern at Central Luzon, gayundin ang nalalabing bahagi ng bansa, ng mahina hanggang katamtamang lakas ng hangin at bahagya hanggang katamtamang kondisyon ng karagatan. RNT