TEHRAN – Tinanggihan ng Iran ang panukala ng US na tigil-putukan at sa halip ay iginiit ang permanenteng pagwawakas ng digmaan laban sa Estados Unidos at Israel, habang nagbabala si US President Donald Trump ang muling pag-atake sa Tehran kapag hindi nito sinunod ang itinakdang deadline sa Martes ng gabi.
Ayon sa official IRNA news agency ng Iran, ang tugon ng Tehran sa panukalang idinaan sa pamamagitan ng mediator na Pakistan ay may 10 kundisyon, kabilang ang pagwawakas ng mga sigalot sa rehiyon, ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz, pag-alis ng sanctions, at reconstruction.
Nanindigan si Trump na pinal na ang kanyang 8 p.m. EDT Tuesday deadline para pumayag ang Iran na muling buksan ang Strait of Hormuz. Binigyang-diin din niya na kapag walang kasunduan, “Every bridge in Iran will be decimated” at “every power plant in Iran will be out of business, burning, exploding, and never to be used again.”
Agad namang kinontra ng top joint military command ng Iran ang pahayag ni Trump at tinawag itong “delusional,” habang binansagan ang kanyang mga babala bilang “rude, arrogant rhetoric and baseless threats,” ayon sa pahayag na inilabas sa state television.
Nanawagan din si Iran deputy sports minister Alireza Rahimi sa mga artist at atleta na bumuo ng human chains sa mga power plant, at sinabing, “We will stand hand in hand to say: Attacking public infrastructure is a war crime.”
Lalong tumindi ang tensyon matapos epektibong isara ng Iran ang Strait of Hormuz kasunod ng pag-atake ng US at Israel noong Pebrero 28. Ang naturang waterway ay dinaraanan ng humigit-kumulang ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis at natural gas, kaya nananatili itong mahalagang pressure point sa sigalot.
Nagbanta rin ang Iran ng paghihiganti matapos ang pag-atake sa Sharif University of Technology sa Tehran nitong Lunes ng madaling araw. Ayon sa WANA news agency, napinsala sa naturang pag-atake ang isang artificial intelligence data center at iba pang pasilidad. Sinabi naman ni Iranian Foreign Minister Abbas Araqchi na, “Aggressors will see our might” bilang tugon sa pambobomba.
Patuloy ding lumalawak ang labanan sa rehiyon. Sinabi ni US Defense Secretary Pete Hegseth na pinakamatindi ang mga opensiba noong Lunes mula nang magsimula ang digmaan at inaasahang mas marami pa sa Martes. Inanunsyo ng Israel na tinarget nito ang mga pasilidad ng Iranian air force at iba pang imprastraktura, habang iniulat ng Iran ang pag-atake sa dalawa nitong petrochemical complexes.
Libo-libo na ang nasawi sa Gitnang Silangan mula nang sumiklab ang digmaan, kabilang ang 3,546 sa Iran at halos 1,500 sa Lebanon, ayon sa US-based rights group na HRANA. Labintatlong US service members na rin ang napaulat na namatay. RNT