MANILA, Philippines- Binaha ang ilang bayan sa Bulacan nitong Biyernes dahil sa monsoon rains at sa high tide.
Sinabi ni Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management officer Manuel Lukban na dakong alas-10 ng umaga, umabot ang high tide sa 4.47 metro.
Kabilang sa mga binahang munisipalidad ang Balagtas, Bulakan, Calumpit, Malolos, Obando, at Paombong. Sinabi ni Lukban na posibleng umabot ang baha dulot ng high tide hanggang September 4.
“Yung season na ganito, ‘yung week na ito almost 8 days ‘yan. Nagsimula noong August 28 hanggang September 4 ‘yan eh, laging 4 feet something. Normally kasi, dapat ang high tide mga 1 foot to 2 feet lang pero pag ganito, nagkataon pa na may habagat, ‘yun ang … nakakadagdag tubig,” paliwanag ni Lukban.
Dakong alas-3 ng hapon, bumaba na ang baha sa karamihan ng mga munisipalidad. Subalit, ilan pa rin ang nananatiling lubog dito katulad ng Hagonoy at isang barangay sa bayan ng Malolos.
Ayon sa PDRRMO, pinabagal ng southwest monsoon ang pagbaba ng baha.
Sa Hagonoy, 20 sa 26 barangay ang binaha, batay kay Renato Crisostomo ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.Umabot ang naitalang high tide sa lugar sa 4.6 metro.
Walang humpay ang ulan sa Hagonoy sa loob ng tatlong araw, ayon kay Crisostomo.
Isa sa mga binahang barangay ang Santo Niño. sa Purok 12, sumasakay ang mga residente na patungo sa bayan sa bangka sa pag-abot ng baha sa bewang.
Inihayag ng punong-barangay na si Mila Lacap na ang high tide ang mitsa ng mataas na baha sa barangay.
Ilan namang residente ang hindi makaalis ng kanilang bahay.
Sinabi ng mga opisyal ng Bulacan na posibleng muling bumaha sa Sabado sa parehong mga munisipalidad na apektado nitong Biyernes dahil sa high tide. RNT/SA